Mga tala sa tag-araw
writings inspired by summer
Summer nights
Your silence will impel you to scream in writing. When your eyes have spent weeks sobbing, it is time to put ink on the paper. It had been pouring inside your head for months; however, nobody knew until they saw the art you drew. Humid nights are still chaotic, but calm days follow them nonetheless.
Some allowed themselves to be the most misunderstood person in the room by not revealing their side of the story. I can never fully understand their rationale, though, I can resonate with how they protect their peace like jewelry. Some have been quiet for they have found other creative means to be loud. Others stood, memorizing the person they loved.
Pula ang araw
Pumupula na ang araw.
Kanina pa ako dapat nasa bahay
ngunit nakatutuwang maiwan sa labas ng ganitong oras,
pinapanood ang galaw ng mundo.
Nakakahapong magpaikot-ikot sa senaryong
hindi kayang hindi ipinta ng aking isipan
kaya ako umaakda.
Sa bawat sugnay na aking pinag-uugnay,
napagtatanto ko kung bakit ako sumusulat.
Sasapat na kaya ang mga piling salita
para sa pahayag na nais maipadala?
Ang ingay ay humuhupa.
Ang daldal ay humihina.
Malilim man o tirik ang araw,
ipapadama ko ito
sa isang masining na paraan.
Hindi ito tungkol sa kape
Akala ko marami akong masasaksihang pagwawakas ng pagkakaibigan...
ngunit paano sila matatapos kung ang iba sa kanila ay wala namang simula?
Patuloy kong iniwang walang balakid ang pintuan para sa bago subalit hindi pala kailangang bantayan sa tuwina kung sinuman ang papasok o lalabas dito. Naubos ang oras ko kakahintay na mapuno ang pitsel na hinanda ko pero mayroon naman palang tasa ng kape na tinimpla para sa akin.
Isa sa mga kapabayaan ko ay hayaang bahagyang lumamig ang kape kaya mula noon, hindi ko na hinahayaang maiwanan ang tasang nandyan na sa aking harapan.
Hindi ko na pinapabayaang mawala ang init ng inuming ito.
Hindi lamang ito tungkol sa kape.
Sa daan ko pauwi
Ilang beses kong napansin ang buwan sa daan ko pauwi. Lumipas ang mahabang araw. Ang hapdi ay nasa aking paa at ang bigat ay narito pa subalit hindi ito hadlang upang tanawin ko ang nagpapaliwanag ng gabi. Hindi ko na kinakailangan ng balabal sapagkat tag-init na naman.
Pansin kong ako ay nag-aapura kahit hindi naman dapat. Sinanay ko ang mga maliliit kong paa sa malalaking hakbang subalit may nagpapahinto pa rin sa akin. Hindi ko napigilang titigan ang hugis ng buwan sa tuwing nagmumukha itong ilaw sa tabi ng madilim na higaan.
Kung ako ay gagawa ng isang pulseras, lalagyan ko ito ng disensyong kawangis ng buwan bilang palatandaan na hindi palaging lamang ang mabilis at hindi kailangan ng labis-labis na sinag upang maging bukod-tangi.
Tara
Ang mga katagang “Tara! Kain tayo.” ay hindi lang payak na pag-aya. Hindi lang ito basta paglabas ng salapi. Hindi nito layuning ipagmalaki ang anumang nakamit sa loob ng linggong nagdaan. Nais nitong magbigay puwang sa panandalian ngunit kinakailangang kalma.
Noong mga bata pa tayo, simple lang ang ating kaligayahan at mabilis lang tayong tumahan. Noon, hindi tayo makapaghintay na lumaki at magkaroon ng maraming kakilala, subalit hindi pala kailangang hintayin na mangyari iyon bago makamit ang tunay na kasiyahan. Ngayon, hindi na tayo mga paslit; gayunpaman, nangungulila tayo sa mga kaibigang nagpapaalala sa ating kamusmusan.
Kaya ang mga salitang “Tara! Kain tayo,” “Tara! Kape tayo,” o “Tara! Labas tayo” ay hindi pagtakas. Ito ay tila pagbalik sa ating pagkabata, kung saan hindi pa komplikado ang ating kaligayahan at mabilis pa tayong tumahan.





Comments
Post a Comment